Posibleng matagalan pang nakabinbin sa Kamara ang franchise renewal ng ABS-CBN.
Sa interview ng RMN Manila kay House Deputy Speaker at Sagip Partylist Rep. Cong. Rodante Marcoleta, sinabi nito na hindi pa niya malinaw ang kapalaran ng ABS-CBN franchise.
Ayon kay Marcoleta, marami pa silang tatalakayin tulad ng paglabag ng kompanya sa Phil. Depository Receipt, Labor Law, Tax Law, Comelec Law, at saka pa lang matatalakay ang apat na prangkisa ng kompanya.
Ito ay ang mother franchise na ABS-CBN Corporation, ang tatlo pang mapapasong prangkisa na ABS-CBN Convergence Inc., Sky Cable Corporation at AMCARA Broadcasting Network, Inc.
Kahapon sa pagdinig ng House Committees on Legislative Franchises at Good Government and Public Accountability, binusisi pa lang ang isyu sa dual citizen ni ABS-CBN Chairman Emeritus Gabby Lopez.