Kapangyarihan ng ERC at mga power distributor gaya ng Meralco na maningil ng deposito sa consumers, pinagtibay ng Korte Suprema

Iginiit ng Korte Suprema na may karapatan ang Energy Regulatory Commission (ERC) na i-require ang consumers na magbigay ng deposito para sa kanilang bayarin sa kuryente.

Sa desisyon ng Supreme Court En Banc, pinagtibay nito ang pagbasura sa petisyon ni Neri Colmenares na kumukuwestiyon sa kapangyarihan ng ERC na payagan ang distribution utilities gaya ng Meralco na mangolekta ng deposito mula sa kanilang consumers.

Tinawag ng SC na premature ang petisyon dahil walang naging hakbang para i-challenge o kuwestiyunin ang aksyon ng gobyerno na naka-apekto sa petitioners.


Hindi rin anila tungkulin ng Korte Suprema na maglabas ng advisory opinion sa mga pagkwestiyon sa polisiya at regulasyon ng administrative agencies.

Noong 2004 kasi, nilabas ng ERC ang Magna Carta for Residential Electric Consumers na nagre-require sa residential consumers na magbayad ng deposito na katumbas ng isang buwan ng billing.

Gagamitin ito sa pagbabayad sa overdue na bills na maaari ding magkaroon ng interes na mailalagay sa accounts ng customers o ma-refund kapag pinaputol na ang serbisyo.

Pero noong 2019, naghain sina Colmenares ng petisyon sa SC kung saan wala raw malinaw na regulasyon ang bill deposit requirement.

Facebook Comments