Anim na ipupuslit sana para magtrabaho sa scam hub sa ibang bansa, nasagip sa Palawan –DOJ

Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na anim na indibidwal na biktima ng human trafficking at illegal recruitment ang nasagip ng mga awtoridad kamakailan sa Palawan.

Ayon kay Justice Undersecretary Nicholas Felix Ty, ipupuslit sana ang mga biktima palabas ng bansa patungong Malaysia upang pag-trabahuhin sa isang scam hub.

Matagal umanong minanmanan ito matapos makatanggap ng tip mula sa Bureau of Immigration.


Batay sa plano, ipupuslit ang anim na biktima palabas ng bansa sa rutang NAIA- Palawan-Zamboanga-Malaysia-Cambodia.

Sa inisyal na imbestigasyon ng NBI-Puerto Princesa District Office, napag-alamang inalok ang mga biktima gamit ang Telegram ng trabaho sa Thailand at pinangakuan ng mataas na sweldo.

Mula Maynila, inutusan sila ng kanilang mga recruiter na sumakay ng eroplano patungong Palawan at nanatili muna sa isang hotel ng ilang araw bago bumiyahe sakay sa isang van patungong Bataraza, Palawan.

Dito sana sila sasakay sa bangka sa magdadala sa Bancalaan Island sa Balabac pero napigilan na ito ng mga awtoridad.

Nagpapatuloy ngayon ang imbestigasyon ng mga awtoridad habang tutulungan naman ang mga biktima na makabalik sa kani-kanilang mga tahanan.

Facebook Comments