Nagpasaklolo na sa Commission on Human Rights (CHR) ang kaanak ng isa sa mga staff ni Congressman Arnie Teves.
Ayon kay Hazel Sumerano, kapatid ni Hanna Mae Oray, nangangamba siya sa kalagayan ng kaniyang kapatid at bayaw na kasalukuyang nasa kustodiya ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Si Hanna Mae at ang asawang si Heracleo Oray ay inaresto ng CIDG-Dumaguete matapos na masamsaman ng dalawang pistola nang isagawa ang raid sa bahay ni Teves.
Una nang naiulat na kinasuhan na ng CIDG ang mag-asawa.
Sinamahan si Hazel ng isa sa mga abogado ni Teves na si Atty. Toby Diokno.
Ayon kay Hazel, tinatakot umano ang kaniyang kapatid at bayaw at pinipilit na tumestigo laban kay Congressman Teves.
Giit ni Hazel, ang sinamsam na dalawang caliber 45 mula kay Heracleo ay mga lisensyado.
Pero ayon sa CIDG-NCR, revoked o wala nang bisa ang lisensya ni Sumerano.
Ayon kay Atty. Toby Diokno, humihingi sila ng proteksyon sa CHR dahil sa nilabag ang karapatan ng mga Oray.
May mga paglabag na aniya mula sa proseso ng raid at sa ginawang pag-aresto.
Aniya, ipinasisilip nila sa CHR ang ginagawang panggigipit umano sa mag-asawa para piliting mag-execute ng affidavit na magdidiin kay Congressman Teves sa pagkamatay ni Negros Oriental Governor Roel Degamo.