Kapayapaan at kaligtasan ng mga deboto sa Traslacion, pinatitiyak ni PBBM

Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na tiyakin ang mapayapa, maayos, at ligtas na pagdaraos ng Traslacion at ang seguridad ng milyon-milyong deboto ng Poong Nazareno.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, may malinaw na direktiba ang Pangulo sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) na manatiling nakaalerto at handa sa buong panahon ng kapistahan.

Batay sa ulat ng PNP, 18,212 pulis at uniformed personnel ang ide-deploy sa mga pangunahing ruta at lugar ng Traslacion upang bantayan ang kaayusan at kaligtasan ng publiko.

Bilang dagdag na seguridad, ipatutupad ang “no-fly zone” sa mga lugar ng prusisyon at cellphone signal jamming upang maiwasan ang banta sa seguridad.

Tiniyak ng Malacañang na layon ng Pangulo ang isang matiwasay at makabuluhang pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno—ligtas ang mga deboto, maayos ang daloy, at buo ang pananampalataya.

Facebook Comments