Cauayan City, Isabela- Ipinagmalaki ni P/Maj. Eugenio Mallillin, hepe ng PNP Tumauini, Isabela ang kanilang isinasagawang proyekto na ‘Kapihan sa Barangay’ o personal na pakikipagtalakayan sa mga residente sa kanilang nasasakupan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Maj. Mallillin, isa aniya itong hakbang upang mailapit ang kanilang serbisyo at personal na makausap ang mga mamamayan kaugnay sa mga bagay-bagay para sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa kanilang lugar.
Ito’y sa pamamagitan rin ng kanyang inisyatibo kasama ang kanyang tropa na mabigyan rin ng kaalaman ang mga opisyal ng barangay sa pagpapatupad ng mga batas upang mapababa ang mga krimen na maaaring mangyari sa kanilang lugar.
Isinasagawa lamang nila ito sa mga bakuran na habang sila’y nagkakape at nakikipag dayalogo sa mga residente ay nalalaman din umano ng kapulisan kung sapat ba ang kanilang ibinibigay na serbisyo sa mga ito.
Inaasahan naman ni P/Maj Mallillin na patuloy itong susuportahan at pahahalagahan ng mga residente kaugnay sa kanilang isinasagawang proyekto.