Cauayan City, Isabela- Sinampahan na ng kaso ang barangay Chairman ng Yeban Sur sa bayan ng Benito Soliven matapos ireklamo ng isang residente kaugnay sa hindi mapatas na pamimigay ng Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Kasong Anti-Graft and Corrupt Practices Act at paglabag sa RA 11649 o Bayanihan to Heal as One Act ang isinampa laban kay Brgy Captain Arnel Quezada at MSWD Officer Gretchen Celino.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PLt. Col Jeremias Oyawon, Provincial Officer ng CIDG Isabela, base aniya sa ipinarating na complaint affidavit ng complainant na si Ginang Anita Justo, may mga nabigyan aniya ng SAP na hindi naman umano dapat kasali sa mga benepisyaryo dahil sila ay may mga kamag-anak na barangay officials at mga may kaya sa buhay.
May mga nabigyan din aniya ng SAP na hindi naman residente ng barangay Yeban Sur.
Ayon pa kay Lt. Col Oyawon, base naman sa kanilang ginawang pagberipika ay may mga nabigyan aniya ng SAP na hindi talaga residente sa naturang bayan.
Gayunman, nasa korte pa rin aniya ang desisyon o hatol sakaling mapatunayan ang reklamo laban sa Kapitan at MSWD Officer.
Hinihikayat naman ang sinumang may reklamo na magtungo lamang sa kanilang tanggapan sa Lungsod ng Ilagan upang mabigyan nila ito ng aksyon.
Samantala, ibinahagi ni Lt. Col Oyawon na may mga iba pang opisyal ng barangay mula sa bayan ng Sto Tomas at Tumauini ang nakasuhan na rin sa kaparehong reklamo.