Kapitan na Inireklamo sa SAP, Nagpaliwanag

Cauayan City, Isabela- Nagsalita na ang Kapitan ng Barangay Yeban Sur sa bayan ng Benito Soliven kaugnay sa inireklamo sa kanya na di umano’y ma-anomalyang pamamahagi ng Social Amelioration Program (SAP).

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Brgy. Captain Arnel Quezada, baseless o wala aniyang katibayan ang complainant na si Ginang Anita Justo sa mga alegasyon nitong may nangyaring katiwalian sa SAP.

Ayon sa Kapitan, ilan sa mga pangalan na nabanggit ng complainant na nakatanggap ng SAP na hindi naman umano karapat-dapat ay navalidate ng mga reprensentante ng DSWD Region 02.


Bago ang pamimigay ng SAP ay nandun aniya mismo ang ilang representative ng DSWD at nagsagawa ng validation.

Base naman sa reklamo ng complainant sa CIDG Isabela, pinili at binigyan umano ng SAP ang ilan sa mga pamilya sa Yeban Sur na hindi naman karapat-dapat makatanggap ng ayuda.

Sinagot ito ng Kapitan at inihalimbawa ang reklamo ng complainant na isang may anak na seafarer na nakatanggap ng cash assistance pero giit ng Kapitan na ang naturang seafarer ay mayroon na rin sariling pamilya.

Kanyang sinabi na kinuha lahat ang pangalan ng mga kabilang sa poorest of the poor families at mula sa nakuhang bilang na 342 ay nasa 290 lamang ang nabigyan ng SAP dahil sa validation na ginawa din ng DSWD.

Ilan aniya sa mga natanggal sa listahan ay mga OFW o di kaya’y may asawa na nagtatrabaho sa abroad gaya sa sitwasyon ng complainant.

Tiwala naman ang Kapitan na mapapawalang saysay din ang kanyang kaso dahil marami aniya itong ebidensya na walang nangyaring anomalya sa pamimigay ng cash assistance sa ilalim ng Social Amelioration Program ng DSWD.

Samantala, nagbigay pa rin ng mensahe sa kabarangay ang naturang Kapitan na sumunod pa rin sa mga ipinatutupad na protocols upang makaiwas sa sakit na COVID-19.

Facebook Comments