Kapitan na Pinaratangang Tumanggi ng Ayuda, Umapelang Huwag Siyang Batikusin

Cauayan City, Isabela- Nakikiusap ang Kapitan ng barangay Disimuray sa Lungsod ng Cauayan na itigil na ang pambabatikos sa kanya dahil lamang sa maling paratang sa kanya na pagtanggi umano nito sa mga donasyong gulay mula sa Nueva Vizcaya.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Captain Pablo Pabigayan, kanyang sinabi na walang katotohanan ang alegasyon na tinanggihan nito ang mga donasyong gulay para sa kanyang barangay.

Nagkaroon lamang aniya ng ‘miscommunication’ sa pagitan ng kanyang SK Chairman na si Charleston Cruz at sa nakatransaksyong OFW na mamimigay ng tulong na kinilala sa pangalang Prima Fernandez.


Huwag sana aniya siyang sisihin dahil wala sana aniyang magiging problema kung direktang sa kanya nakipag-usap ang magbibigay ng tulong.

Nananawagan din ito sa kanyang kabarangay na nagpost sa social media na huwag maging abusado sa kapwa at maghinay-hinay sa mga ipinopost sa social media upang hindi makasira ng reputasyon at hindi rin madamay ang barangay.

SAMANTALA, sa naging panayam naman ng 98.5 iFM Cauayan kay SK Chairman Charleston Cruz, nilinaw nito na hindi tumanggi ang Kapitan nang kanyang ipaalam na may darating na donasyon.

Problema lang kasi aniya ang gagamiting sasakyan na pangsalubong sa mga gulay at kakulangan ng tao na magbubuhat ng mga ito kung kaya’t hindi na nagawang makuha at dinala na lamang sa ibang lugar.

Ibinahagi rin ni Cruz na mayroon pang susunod na ipamimigay na mga gulay para sa barangay Disimuray.

Facebook Comments