Kapitan, nagalit nang malamang ‘ipinambili’ ng shabu ng ilang katao ang ayudang nakuha

Screenshot captured from Kosa Aumentado's video.

TONDO, MANILA – Nakatikim ng katakot-takot na sermon ang mga residente sa Barangay 12 mula mismo sa kanilang kapitan na nadiskubreng ipinambili raw ng droga ng ilang naninirahan doon ang ayudang ibinigay nila.

Sa kuhang video ni Kosa Aumentado, makikitang naglilibot at sumisigaw si Punong Barangay Randy Pancho habang may hawak na megaphone upang pagalitan ang mga kabarangay na matitigas ang ulo.

Maliban sa paalalang huwag gamitin sa masama ang pera, nagbabala siyang ipadadampot ang mga tulak at runner ng ilegal na droga sa komunidad.


Nagsimula raw ang pagkadismaya ng chairman nang maaktuhan ng mga pulis na may nagpo-pot-session sa kaniyang lugar.

“Tapos kayo kapag kahirapan, isisisi ninyo sa gobyerno. Marami kayong hinahanap. Ngayon pagka-shabu, meron kayong pang-shabu. Magsumbong na kayo. Nakakapanginig kayo ng laman,” sabi pa ng opisyal.

Hindi rin nakaligtas kay Pancho ang mga sibilyang nasa labas ng bahay at walang suot na facemask.

Ayon sa mga residente, naiintindihan nila ang hinanakit ng barangay chairman dulot ng maling gawain ng ilang kalugar.

Kaagad naging viral sa social media ang paraan ng pagdidisplina ng kawani, na naka-Facebook Live noong Abril 21, kung saan umani ito ng halos 600,000 views.

Sa huli ay humingi ng paumanhin si Pancho sa nasyonal na pamahalaan bunsod ng ipinakitang asal.

Facebook Comments