San Mariano, Isabela – Nakaligtas sa kamay ni kamatayan ang kapitan ng barangay Cataguing San Mariano Isabela na si Harley Deolazo matapos maswerteng hindi tamaan ng labing isang bala na ipunutok ng mga hindi pa nakikilalang suspek.
Batay sa panayam ng RMN News Cauayan kay Police Chief inspector Vicente Guzman, hepe ng PNP San Mariano, pasado alas dos ng hapon ng Enero 28 ng pagbabarilin ang kapitan ng tatlong suspek gamit ang kalibre kwarenta’y singkong baril.
Habang nasa bukid ang kapitan kasama ang kanyang kapatid, dumating umano ang suspek na kinilalang si Noli Paggallaman kung saan nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa.
Panandalian umanong umalis ang suspek at ng bumalik sakay ng isang traysikel, kasama na nito ang dalawa pang kalalakihan na agad na pinaputukan ang kapitan.
Maswerte namang nakaligtas ang kapitan matapos nitong paharurutin palayo ang kanyang sasakyan na agad ring dumiretso sa himiplan ng pulisya.
Sa pagresponde ng mga pulis narekober sa pinangyarihan ng insidente ang syam na basyo ng kalibre kwarenta’y singkong baril na naging dahilan upang magkabutas-butas ang sasakyan ng nasabing kapitan.
Ayon sa imbestigasyon ng PNP San Mariano, away sa lupa ang dahilan ng naturang pangyayari.