*Cauayan City, Isabela*- May paglilinaw si Kapitan Melchor Meriz ng Barangay District 3, Cauayan City dahil sa ilang reklamo na di umano’y pili ang pagbibigay ng relief goods sa kanyang nasasakupan sa kabila ng umiiral na Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon.
Ayon kay Kapitan Meriz, hindi totoo na hindi nabibigyan ang lahat dahil nagkataon lamang na sa kanilang pag iikot ay wala silang naaabutang kahit sinong miyembro ng isang pamilya dahilan para hindi sila makapagbigay.
Sa kabila ng samu’t saring batikos kay Kapitan Meriz ay mayroon din namang nakakapansin sa kanyang ginagawang pagtulong bilang isang opisyal ng barangay gaya na lamang ng ilang boarders na hindi naman talaga aniya tubong District 3.
Giit pa ng opisyal na hindi pamumulitika ang kanyang ginagawang pagbibigay ng relief goods kundi ito ay pagtulong sa nangangailangan sa kabila ng hindi paglabas ng tao dahil sa banta ng covid-19.
Inaasahan naman na sa susunod na linggo ay makakatanggap ng 25 kilos na bigas ang bawat pamilya sa Cauayan City.