Kapitan ng nasunog na MV Mercraft 2 sa Real, Quezon, nasa kustodiya na ng Philippine Coast Guard

Nasa kustodiya na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kapitan ng nasunog na fast craft vessel sa karagatang sakop ng Real, Quezon kahapon ng umaga.

Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Armand Balilo, sa ngayon ay nagpapagaling na sa ospital ang kapitan na si John Lerry Escareces.

Kasabay nito, kinumpirma ni Balilo na kabilang sa mga nasawi sa naturang sunog ang ina ni Escareces habang nakaligtas naman ang ama nito.


Sa insidente, pito ang namatay kung saan kabilang ang dalawang senior citizen habang 24 indibidwal ang nasugatan kung saan tatlo sa kanila ay nasa kritikal na kondisyon.

Sa 126 na pasahero ng fast craft, 103 rito ang nakaligtas habang walo naman na mga tripulante.

Siniguro rin ni Balilo na mabibigyan ng paunang tulong ang mga biktima ng nasunog na barko.

Sa ngayon, patuloy pa rin inaalam ng PCG ang dahilan ng pagkasunog na nagmula umano sa makina ng fast craft vessel.

Facebook Comments