SAN PABLO, LAGUNA – Pinagtataga hanggang mapatay ng isang lalaki ang kaniyang ninong sa kasal, na isang punong barangay sa nasabing lalawigan nitong Martes ng umaga.
Ayon sa pulisya, nag-uusap raw ang salaring si Pablito Hernandez at ang biktimang si Sta. Ana Chairman Larry Rosales nang bigla itong maglabas ng itak.
Sa una, naiwasan ng kapitan ang pag-atake ng suspek na nagawa pang tumakbo papasok ng barangay hall. Pero inabutan siya ni Hernandez at doon na walang habas na pinatay.
Naisugod pa sa ospital si Rosales subalit binawian din ng buhay kinalaunan.
Hindi rin nakaligtas sa pananaga ang ambulansya ng barangay at mga tricycle na nakaparada sa labas ng pinangyarihan ng krimen.
Nadakip lamang ang salarin matapos barilin sa binti ng mga pulis dahil tumanggi itong sumuko.
Sa paunang imbestigasyon, lumabas na lulong ito sa droga nang isagawa ang krimen at dating nasangkot sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Sinampahan ng kasong murder si Hernandez na nakaratay ngayon sa pagamutan na para sana sa pasiyenteng may COVID-19.
Pakiusap naman ng naulilang pamilya sa publiko, huwag nang ipakalat sa social media ang CCTV footage ng krimen.