Kapulisan sa Rehiyon Dos, Nakaalerto sa Undas 2021

Cauayan City, Isabela- Tiniyak ng Police Regional Office (PRO) 2 ang kahandaan ng mga kapulisan sa buong Rehiyon Dos kaugnay sa paggunita ng Undas ngayong taon.

Nagsumite ng rekomendasyon ang PRO2 sa Inter-Agency Task Force (IATF) kamakailan para sa pagpapasara sa mga sementeryo upang maiwasan ang paglobo ng aktibong kaso ng COVID19 subalit hanggang sa kasalukuyan ay wala pang ibinabang resolution ang Inter-Agency Task Force hinggil dito.

Pero ayon sa Regional Operations Division, mayroong direktiba mula sa Department of Interior Local Government (DILG) na “discretion” ng mga LGU ang pansamantalang pagpapasara ng mga sementeryo sa kani-kanilang lugar habang hinihintay pa ang Resolution mula sa IATF.


Kaugnay nito, nagbaba ng “Operational Guidelines for All Saints’ Day and All Souls’ Day 2021” ang PRO2 sa mga lower police units sa buong rehiyon upang masigurado ang pagtatalaga ng sapat na bilang ng kapulisan sa mga sementeryo para sa istriktong pagpapatupad at pagsunod sa minimum public health standards kontra COVID-19 ngayong undas.

Mayroon din naka standby na mga Regional Standby Support Force (RSSF) mula sa Regional Office ng PRO2 para sa karagdagang deployment kung kakailanganin.

Tiniyak naman ni PRO2 Regional Director Police Brigadier General Steve Ludan na magiging maayos ang paggunita ng Undas sa Rehiyon dahil na rin sa mga ginawang paghahanda at tulong ng mga force multipliers, LGUs at iba pang ahensya ng gobyerno.

Sa kasalukuyan, nananatiling “generally peaceful” at walang anumang “untoward incident” na naitatala ang PRO2 kaugnay sa pagdaraos ng araw ng mga patay sa buong Lambak ng Cagayan.

Facebook Comments