Karadagang 3.3 milyong COVID-19 vaccines, dumating na sa bansa

Aabot sa 3.3 milyong COVID-19 vaccine ang natanggap ng Pilipinas kahapon.

Kahapon ng alas 4:00 ng hapon nang lumapag ang Emirates flight EK332 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 dala ang 883,350 COVID-19 shots mula sa kompanyang Pfizer-BioNTech.

Nagmula ang mga donasyong bakuna sa Estados Unidos sa pamamagitan ng vaccine sharing platform na COVAX Facility.


Habang inaasahan ding darating ang nasa 5.5 milliong doses pa ng bakuna mula sa nasabing bansa sa susunod na mga araw.

Ayon kay Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez Jr., ang mga rehiyon ng CALABARZON, Central Luzon, Central Visayas at Davao Region ang pangunahin sa makatatanggap ng bakuna.

Samantala, dumating din kahapon ilang minuto bago ang alas-6:00 ng hapon ang mga 2.5 milyong doses ng bakuna mula kompanyang Sinovac.

Lumapag ito sa NAIA Terminal 2 sa pamamagitan ng Philippine Airlines flight PR359.

Sa ngayon, pumalo na sa 41.5 million na Sinovac vaccines ang natatanggap ng bansa at inaasahang darating pa ang 30 million doses nito ngayong buwan.

Facebook Comments