Karagdagang 18,000 contact tracers ang iha-hire ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa Metro Manila.
Ito ay para maabot ng pamahalaan ang target nito na matukoy ang mga taong na-expose sa mga pasyenteng may COVID-19 sa loob ng 24 oras.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Officer-in-Charge Undersecretary Bernardo Florece, paiigtingin ng gobyerno ang “prevention, isolation, treatment and reintegration” measures nito sa ilalim ng pinalawig na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa NCR Plus hanggang April 11.
Nabatid na mula sa 50,000 contact tracers na na-hire ng DILG sa buong bansa, 15,000 na lamang ang natira at 9,000 rito ang nasa Metro Manila.
Nabawasan umano ang bilang dahil sa kakulangan sa pondo.
Samantala, ayon kay Florece, nangako ang Department of Labor and Employment (DOLE) na magha-hire sila ng 7,000 contact tracers para sa capital region habang 600 contact tracers naman ang iha-hire ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Magde-deploy rin ang Philippine National Police (PNP) ng 360 tauhan habang 300 contact tracers ang ipapahiram ng ibang rehiyon.
Una rito, inamin ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na bumaba sa 1:3 hanggang 1:5 ang contact tracing efficiency ratio sa bansa mula sa dating 1:7.
Ibig sabihin, tanging miyembro na lamang ng pamilya ang natutukoy sa kada isang pasyenteng nagpopositibo sa COVID-19.
Ang ideal ratio para sa contact tracing ay 1:37.