Karagdagang 339 police medics, ide-deploy na rin ng PNP para tumulong sa mga ospital

Aabot na sa 339 pulis na nakapagtapos ng kursong may kaugnayan sa medisina ang nakatakdang i-deploy sa mga ospital para tumulong sa health workers na gamutin ang mga COVID-19 patients.

Ito ay matapos na ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na gamitin na rin ang mga pulis na nagtapos ng kursong may kinalaman sa medisina na tumulong sa paglaban sa COVID-19.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Administration Lieutenant Gen. Camilo Cascolan, ang 339 na mga pulis ay hindi pa nagpa-function bilang medtech kaya sila ay magiging dagdag pwersa sa PNP medical corps.


Ang mga medtech cop ay bibigyan muna ng briefings sa ilalim ng health services bago isalang sa iba’t ibang ospital.

Maliban sa 339 na pulis, patuloy pang kino-consolidate ni Cascolan ang information data sheet o 201 file ng kanilang mga tauhan mula sa patrolman pataas para matukoy kung sino ang may background sa medisina at health care.

Facebook Comments