Mas papaigtingin ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang seguridad sa Metro Manila.
Ito ay kasunod ng naitatalang kaso ng pagdukot, panggagahasa at pagpatay sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ayon kay NCRPO Director Police Brigadier General Jonnel Estomo, nasa 9,700 karagdagang pulis ang ipapakalat sa mga lansangan sa Kalakhang Maynila.
Maliban aniya sa pagbabantay sa mga paaralan ay malaki rin ang maitutulong ng karagdagang pwersa ng mga kapulisan para mapigilan ang iba’t ibang uri ng krimen.
Dagdag pa ni Estomo, sa ngayon ay wala naman sila naitatalang pagtaas ng crime rate sa NCR.
Una nang ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief General Rodolfo Azurin Jr., na paigtingin pa ng mga pulis ang pagbabantay sa mga komunidad at mas palakasin ang kanilang ugnayan sa mga tauhan ng barangay.