Karagdagang bakuna, inilaan sa apat na mall na ginawang vaccination sites sa lungsod ng Maynila

Ipinagpapatuloy ngayong araw ng lokal na pamahalaan ang COVID-19 mass vaccination sa lungsod ng Maynila.

Sinimulan ang pagbabakuna kaninang alas-6:00 ng umaga at matatapos ito ng alas-8:00 ng gabi.

Ang ginagawang first dose vaccination ay para sa A2 at A4 priority groups sa apat na mall na ginawang vaccination sites tulad ng Lucky Chinatown Mall, SM Manila, SM San Lazaro at Robinsons Place Manila.


Nasa isang linggo na rin ang nakakalipas mula nang simulan ang pagbabakuna sa mga A4 sa lungsod ng Maynila kung saan nasa 20,867 na ang bilang ng mga nakatanggap na bakuna base sa inilabas na datos ng Manila Local Government Unit (LGU).

Kaugnay nito, nasa tig-2,500 doses na ang inilaan sa bawat mall site kung saan dinagdagan ng Manila LGU ang mga bakuna para ma-accomodate ang mga A2 at A4 priority group maging ito man ay nagparehistro o walk-in.

Nagsasagawa na rin ng second dose vaccination gamit ang Sinovac vaccine para sa A1, A2, at A3 priority group sa 18 school sites mula District 1 hanggang District 6.

Ito ay ang mga indibidwal na una nang nakatanggap ng kanilang COVID-19 vaccine noong May 18, 2021.

Hinihikayat ng lokal na pamahalaan ang lahat na magtungo sa mga vaccination site sa iba pang mga oras o maluwag ang oras upang makaiwas sa siksikan lalo na’t nais nilang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa.

Facebook Comments