Karagdagang bayad sa mga operator ng libreng sakay sa EDSA Busway Carousel, inihihirit sa administrasyong Marcos; ilang transport group, kinalampag ang bagong LTFRB chairperson na makipagdayalogo sa kanila!

Humihirit ng karagdagang bayad sa pamahalaan ang mga operator sa EDSA Busway Carousel.

Ito ay bunsod ng pagtaas ng presyo ng diesel sa kabila ng tatlong magkasunod na linggo naman ang rollback.

Ito ay kinumpirma ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairperson Atty. Cheloy Velicaria-Garafil kung saan dalawang bus consortium sa EDSA runway ang umaalma para sa dagdag-singil ng kanilang libreng sakay.


Ayon sa E.S. Transport at Mega Manila Bus Operator, dapat itaas ang bayad sa kanila na naaayon sa layo ng pasada ng bawat bus lalo’t otsenta pesos ang kada litro ng diesel.

Matatandaang, inihayag ng LTFRB na nagbayad na ang pamahalaan ng P659-million sa mga bus operator para sa sampung linggong libreng sakay sa EDSA Busway Carousel.

Samantala, kinalampag naman ng ilang transport group si Atty. Velicaria-Garafil ng dayalogo upang mapag-usapan ang mga isyu sa naturang sektor.

Punto ng Liga ng Transportasyon at mga Operators sa Pilipinas o LTOP, dapat harapin nang maayos ng bagong liderato ng LTFRB ang ilang kinakaharap na hamon ng mga transport group.

Facebook Comments