Karagdagang budget, kinakailangan ng COMELEC matapos ipagpaliban ang December 2022 Barangay and SK Elections

Aminado si Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Garcia na kakailanganin ng karagdagang pondo para sa pagsasagawa ng October 2023 Barangay and SK Elections.

Ayon kay Garcia, inaasahan nila na madadagdagan ng 5 milyon ang mga botante dahil sa muli nilang ikakasa ang voters’ registration mula November 2022 hanggang May 2023.

Bukod dito, kinakailangan din baguhin ang template ng mga balota partikular ang petsa ng halalan kung saan gagawin itong October 2023 sa halip na December 5, 2022.


Aniya, nasa 5-6 million balota na ang na-imprenta kung kaya’t kinakailangan ng karagdagang budget lalo na’t hindi sapat ang hawak nilang pondo.

Pahihintuin na rin ng COMELEC ang pag-iimprenta ng balota sa National Printing Office (NPO) ng isang linggo para mabago ang petsa ng halalan habang bubuo sila ng resolusyon para magamit ang naunang na-imprentang nga balota.

Ang mga local poll offices naman ng COMELEC ay inabisuhan na huwag munang i-imprenta ang mga listahan ng botante dahil muling ipagpapatuloy ang voters’ registration.

Ang filing naman ng Certificates of Candidacy (COC) na itinakda mula October 23-29, 2022 ay hindi na rin ipagpapatuloy gayundin ang pagpapatupad ng gun ban at campaign period dahil sa ipinagpaliban na ang December 2022 Barangay at SK Election.

Facebook Comments