Cauayan City, Isabela – Dalawang batalyon ng army ang idadagdag sa kasalukuyang puwersa militar dito sa Hilagang Luzon.
Ito ang ipinahayag ni Philippine Army Major General Pablo M Lorenzo, pinuno ng 5th Infantry Division, Philippine Army na nakahimpil sa Camp Melchor F dela Cruz, Upi, Gamu, Isabela.
Sinabi ito ng Heneral sa kanyang pagdalo bilang pagunahing bisita sa lingguhang “Tipon-Tipan” ng Philippine Information Agency Region 2 sa lungsod ng Tuguegarao ngayong umaga, Setyembre 3, 2019.
Magugunita na ang sakop ng 5th ID ay mga Rehiyon ng Ilocos, Cagayan valley at Cordillera.
Ang dalawang karagdagang batalyon ay pupunuan ng mga irerekruit sundalo sa mga darating na araw.
Hindi naman tinukoy kung saang lugar sa Hilagang Luzon ihihimpil ang dalawang batalyon.
Sa kasalukuyan, ang puwersa ng 5th ID dito sa bahaging ito ng bansa ay kinabibilangan ng 502nd at 503rd Brigade at ang bagong Marine Battalion Landing Team sa Santa Ana Cagayan. Ang yunit ng 501st Brigade sa ilalim ng 5th Infantry Division ay kasalukuyang nakatalaga sa ibat ibang bahagi ng Mindanao.
Samantala, ang pinakahuling batalyon na ipinosisyon sa lugar na sinasabing pinamumugaran ng mga NPA ay ang 95th IB na itinalaga sa San Mariano at ilang bahagi ng Ilagan, Isabela.