Karagdagang kaso laban kay Francis Leo Marcos, isinampa ng NBI

Courtesy NBI

Kinumpirma ng National Bureau of Investigation na sinampahan nila ng panibagong kasong kriminal ang inarestong self-proclaimed businessman at internet personality na si Francis Leo Marcos.

Ayon kay Victor Lorenzo, hepe ng NBI cybercrime division, kinasuhan si Marcos ng paglabag sa anti-alias law at passport law dahil umano sa paggamit ng pangalang Norman Mangusin sa ilang dokumento kagaya ng pasaporte.

Wala raw judicial declaration ang akusado na pinalitan niya ang totoong pangalan.


Nahaharap din ito sa reklamong inciting to sedition matapos hamunin online ang mga mayayamang kapitbahay na magbigay ng tulong sa mga mahihirap ngayong panahon ng pandemya.

Maituturing na krimen ang sedisyon dahil hinihikayat nito ang publiko na magsagawa ng rebelyon, pag-aalsa, o panggugulo laban sa isang opisyal o pribadong indibidwal.

Iniimbestigahan din ng ahensiya ang mga bahay at sasakyan na sinasabing pagmamay-ari ng social media personality.

“Those real estate properties and luxury cars were not under his name, no business under his name, even as simple as the DTI permit,” paliwanag ni Lorenzo.

Hanggang ngayon ay nakakulong si Marcos sa detention facility ng NBI sa Maynila.

Facebook Comments