Pinag-aaralan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na patawan ng panibagong multa ang Maynilad dahil sa patuloy na nararanasang water interruptions ng mga customer nito.
Ayon kay MWSS Chief Regulator Atty. Patrick Ty, habang hinihintay ang paliwanag ng Maynilad ay nagsasagawa na rin sila ng sariling imbestigasyon hinggil sa problema sa serbisyo nito.
“Itong December 29, nagpadala tayo ng sulat sa Maynilad. Pinapa-explain po natin ay kailangan nilang mag-submit ng explanation ngayong araw na ito,” saad ni Ty sa panayam ng RMN DZXL 558.
“Tapos, hindi po kami maghe-hesitate na mag-impose ng additional financial penalties against Maynilad. Last year, mga June, July, August, nagkaroon ng problema sa serbisyo ng Maynilad. Nag-impose kami ng financial penalties noong October lang po, so pwede pong maulit yan,” giit niya.
Paliwanag noon ng Maynilad, nasira ang equipment nila sa Putatan Water Treatment Facility sa Muntinlupa bunsod ng raw water quality issue.
Target naman ng water concessionaire na maibalik sa normal ang kanilang serbisyo sa Enero 15.
Muli namang iginiit ng MWSS na hindi nila papayagang magtaas ng singil sa tubig ang Maynilad hangga’t hindi nito naisasaayos ang kanilang serbisyo.
“Ang ginawa natin sa Maynilad, inflationary adjustment lang po ang pinayagan natin sa kanila, hindi po sila pwedeng magtaas ng kanilang water tariff to recover their investment until they fix things bago sila pwedeng magkaroon ng tariff adjustment sa 2024,” paliwanag ng opisyal.