Iniutos ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board Chairman (LTFRB) Teofilo Guadiz III na payagang makabiyahe ang mga Public Utility Jeepney (PUJ) sa mga isinarang mga ruta noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Layon nito na magkaroon ng sapat at maasahang public land transportation service ngayong unti-unti nang niluluwagan ang paghihigpit sa galaw ng mga tao.
Sa isang Memorandum Circular, kabilang sa mga pinayagang muling magbalik operasyon ay ang mga traditional at modernized public utility jeepney services, kasama na ang utility vehicle express services, na nasa ilalim ng Metro Manila Urban Transportation Integration Study Update and Capacity Enhancement Program (MUCEP) area na may hawak ng mga original routes bago ang pandemic.
Karagdagang 28 routes din ang bubuksan para bumiyahe sa National Capital Region gaya ng Manila, Parañaque, Makati, Pasay, Marikina, Pasig, Makati at Quezon City.