6-TAONG GULANG NA LALAKI, NALUNOD-PATAY

Wala ng buhay nang matagpuan ang bangkay ng isang 6 na taong gulang na lalaki matapos itong malunod sa Cagayan River na sakop ng Brgy. Calamagui 1st, City of Ilagan, Isabela, nitong ika-28 ng Disyembre, taong kasalukuyan.

Kinilala ang nasawi na si Sky Baston, grade-1 student at nakatira sa Bliss Village, sa nasabing lungsod.

Sa naging exclusive interview ng 98.5 iFM Cauayan sa ina ng biktima na si Ginang Jemalyn, nagyaya umano ang kaniyang anak upang magtungo sa Calamagui 1st upang bumisita at makipaglaro doon.

December 24 bisperas ng pasko ay magkakasama pa umano ang mag-ina upang dumalo sa huling Misa de Gallo.

Kinaumagahan ay humiling umano si Sky sa kanya na payagan itong pumunta sa nasabing Barangay.

Ngunit makalipas ang ilang araw, nitong December 27 pasado alas-tres ng hapon nakatanggap umano si Ginang Jemalyn ng tawag mula sa kanyang kamag-anak na nawawala na ang kaniyang anak at hinihinalang nalunod.

Base sa kwento, habang nagkakasiyahan umano sila ay naputikan ang tsinelas at paa nito dahilan upang magtungo sa gilid ng ilog upang maghugas.

Sa hindi inaasahang pangyayari, nadulas umano si Sky at tuluyang nahulog sa ilog.

Sinubukan umano ng Isa pang bata na sagipin si sky ngunit masyadong malalim ang tubig.

Agad na tumawag ng Rescue ang mga residente sa nasabing Barangay upang subukang masagip ang bata ngunit bigo na ang mga itong mahanap ang biktima.

Kinaumagahan, nagsagawa agad ng retrieval operation ang CDRRMO at PDRRMO at bandang alas-onse ng umaga nitong araw ng Miyerkules, ay matagumpay na nahanap ang wala ng buhay na katawan ni Sky.

Labis na lungkot ang nararamdaman ngayon ng mga kaanak ng biktima dahil sa halip na kasiyahan, trahedya ang nauna nang sumalubong sakanila bago pa ang bagong taon.

Samantala, pinapayuhan naman ni Atty. Noel Lopez ang publiko na maging maingat ngayong holiday season at kung sakali mang magkaroon ng mga kahalintulad na insidente ay agad itong itawag sa kanilang hotline.

Facebook Comments