Karahasan ng CPP-NPA, Kinondena ng mga Residente ng Kalinga

Cauayan City, Isabela- Nagkaisa ang mga residente ng Pinukpuk, Kalinga upang kondenahin ang mga kasinungalingan at karahasan ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Nagmartsa ang mga mamamayan ng Pinukpok bitbit ang mga dalang signboards upang ipakita na kanilang kinukondena ang mga ginagawang karahasan ng mga teroristang grupo.

Sa ginawang sama-samang paglalakad ng mga residente na binigyan ng temang “Lakad Tungo sa Kapayapaan, Iwaksi ang Terrorismo at Karahasan,” ay sinunog ng mga ito ang bandila ng CPP-NPA-NDF na kasama ang mukha ng kanilang founder na si Jose Maria Sison at mga larawan ng mga lider ng NPA na nag-ooperate sa probinsya ng Kalinga.


Pinangunahan mismo ni Pinukpuk Mayor Irving Dasayon at mga opisyal ng barangay ang pagsasagawa ng nasabing aktibidad at kanilang pinasalamatan ang 50th Infantry Battalion dahil sa ginagawang tulong upang maprotektahan ang mamamayan laban sa banta ng mga rebeldeng grupo.

Sinabi naman ni LTC Allan Espela, Battalion Commander ng 50IB na ang ginawang aktibidad ay nagpapakita at sumisimbolo na namulat na ang mga ordinaryong mamamayan sa mga masasamang hangarin ng mga NPA.

Hinihimok naman ang lahat na makiisa sa pagkondena sa mga grupo ng CPP-NPA at mga kaalyado nito upang mapigilan ang kanilang panghihimasok at paglaganap ng terorismo.

Facebook Comments