Kinondena ng Philippine National Police (PNP) ang karahasan laban sa mga kababaihan.
Ginawa ni PNP Public Information Office Chief PBGen. Roderick Augustus Alba ang pahayag matapos ma-rescue ng mga tauhan ng Tagaytay PNP sa isang hotel kahapon ang kasintahan ng aktor na si Kit Thompson na umano’y biktima ng pambubugbog.
Tiniyak ni Alba na hindi natitinag ang PNP sa kanilang mandato na pangalagaan ang karapatan ng mga kababaihan lalo’t ipinagdiriwang ngayong buwan ang “Women’s month”.
Samantala, kinumbinsi naman ni Police Regional Office (PRO) 4A Regional Director PBGen. Antonio Yarra ang mga babaeng biktima ng karahasan na huwag mag-dalawang isip na magsumbong sa PNP, kagaya ng ginawa ng kasintahan ni Thompson.
Pinuri rin ni Yarra ang mabilis na pagresponde ng Tagaytay PNP sa sumbong ng biktima dahil naiwasang umabot pa ito sa mas marahas na sitwasyon.
Siniguro naman ni Gen. Alba na magiging transparent at patas ang imbestigasyon sa kaso.