Miyembro ng PAF na nabiktima ng kidnapping, na-rescue ng PNP sa Marikina

Arestado ang dalawang suspek sa pagdukot sa isang miyembro ng Philippine Air Force (PAF) matapos ang ginawang operasyon ng Task Force Greyhound ng Marikina City Police Station.

Kinilala ni Marikina City Chief of Police Col. Benliner Capili ang mga suspek na sina Marvin Baratteng, alyas Kano at Erica Albano na pawang mga residente rin ng Marikina City.

Ayon kay Capili, naaresto ang mga suspek sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Marikina City Regional Trial Court para sa mga kasong kidnapping at serious illegal detention


Samantala, ayon naman kay Air Force Spokesman Col. Maynard Mariano, 2020 nang mapaulat ang pagdukot kay Technical Master Sgt. Reofil Alvarez.

Hanggang sa masagip si Alvarez ng mga tauhan ng Marikina Police kaya’t nakapagsampa ito ng kaso sa korte laban sa mga suspek.

Ikinatuwa naman ng Air Force ang development na ito sa kaso ng kanilang tauhan at umaasa silang makakamit ni TMSgt. Alvarez ang katarungan.

Facebook Comments