Karambola ng 3 Sasakyan; 2 Patay, 2 Sugatan!

*Cordon, Isabela- *Patay ang dalawang sakay ng tricycle matapos na tumbukin ng isang pampasaherong bus habang sugatan naman ang dalawang sakay ng motorsiklo sa nangyaring karambola pasado alas tres kaninang madaling araw sa pambansang lansangan ng Brgy. Taringsing, Cordon, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula sa Isabela Police Provincial Office (IPPO), kinilala ang nasawing driver ng tricycle na si Marconi Ramos, 48 anyos, residente ng Brgy. San Antonio, Diffun Quirino Province at pasahero nito na hindi pa nakikilala.

Lumabas sa imbestigasyon ng mga otoridad na habang bumabaybay sa lansangan patungong Tuguegarao City ang Victory Liner na minamaneho ni Christopher Aggarao, 40 anyos, may-asawa, Bus Driver, residente ng Ilagan City, Isabela ay aksidente nitong nabangga ang bumabagtas na tricycle na sakay ng dalawang biktima.


Sa resulta, tumilapon ang tricycle kaya’t nabangga ng paparating na motorsiklo na minamaneho naman ni Arwel Alpecho, 25 anyos, binata, studyante kasama ang angkas na kinilalang si Diana Rose Canlas, 24 anyos, walang asawa na kapwa residente ng Brgy. Dubinan West, Santiago City.

Isinugod agad sa pagamutan ang mga sakay ng motorsiklo at traysikel para sa kanilang paunang lunas subalit binawian din ng buhay ang dalawang sakay ng traysikel matapos na magtamo ng matinding pinsala sa katawan.

Dinala naman sa himpilan ng Cordon Police Station ang driver ng bus maging ang minamaneho nito para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Facebook Comments