Karambola ng 3 Sasakyan, Isa Patay; 2 Sugatan!

*Gamu, Isabela- *Agad na binawian ng buhay ang isang lalaki habang sugatan ang iba pa matapos tumbukin ng sasakyan at sinalpok ng isa pang sasakyan bandang alas syete y medya kagabi sa maharlika highway ng Brgy. Guibang, Gamu, Isabela.

Kinilala ang nasawing biktima na si Erwin Paguirigan, 41 anyos, residente ng Upi, Gamu, Isabela habang ang driver ng Toyota Corolla ay si Francis Barasi, 15 anyos, grade 9 student, residente ng Purok 1 Brgy. Guinatan, City of Ilagan, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng RMN Cauayan mula sa Isabela Police Provincial Office (IPPO), binabaybay ni Barasi ang kahabaan ng Brgy. Guibang patungong Naguilian, Isabela at nang makarating sa pakurbang bahagi ng daan ay nagkamali umano ito sa pagmamaneho kaya’t nalihis sa kabilang linya.


Bumangga ang Toyota Corolla sa nakaparadang tricycle na minamaneho ng biktima kaya’t tumilapon at nabangga ng paparating na Toyota Vios na minamaneho ni John Carlo Manglanlan ng San Manuel, Naguilian, Isabela.

Nahagip at sugatan rin ang nagngangalang Amelia Laggui Capalungan na nakatayo sa gilid ng lansangan dahil sa karambola ng tatlong sasakyan.

Dinala naman ng DART Rescue 831 sa Isabela Provincial Hospital ang mga biktima para sa kanilang kaukulang lunas samantalang nasa kustodiya na ng PNP Gamu ang binatilyo para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Facebook Comments