Naguilian, Isabela – Sugatan ang isang drayber ng delivery van matapos aksidenteng mabangga ng kasalubong na DepEd Cauayan Service Bus dakong alas singko ng umaga, Marso bente kwatro, taong kasalukuyan sa Barangay Magsaysay, Naguilian, Isabela.
Kinilala ang drayber ng DepEd Bus na si Alvin Parica, 37 anyos at residente ng San Fermin, Cauayan City samantalang ang drayber ng delivery van ay inaalam pa lamang ang pagkakakilanlan nito.
Sa ibinahaging impormasyon ni Chief of Police Francisco Dayag sa RMN Cauayan, binabagtas umano ng DepEd Cauayan Service Bus ang hilagang direksyon ng national highway sa naturang barangay, na sinusundan ang isang SUV na minamaneho ng isang negosyante na si May Villanueva Adduru, nang akmang mag-over take si Parica ay nahagip nito ang SUV na dahilan upang mabangga ang kasalubong na delivery van.
Nabatid pa na walang signal light ang delivery van na sanhi rin ng malakas na impak ng pagkakatumbok ng dalawang sasakyan at napag-alaman din na umamin ang drayber ng delivery van na nakaidlip o inaantok kung kayat hindi nakapagsignal light bago ang pangyayari.
Nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang drayber ng delivery van na isinugod agad sa Isabela United Doctor Medical Center o IUDMC para sa agarang lunas.