Karamihan sa mga Pilipino, kailangan ng 2 hanggang 3 trabaho para hindi maghirap – POPCOM

Kailangan ng karamihan sa mga Pilipino na magkaroon ng dalawa hanggang tatlong trabaho para makatugon sa kahirapan.

Ayon kay Juan Antonio Perez III, Executive Director ng Commission on Population and Development (POPCOM), dahil sa pagtaas ng cost of living ay hindi na sapat para makabuhay ang minimum wage sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.

Kaya panawagan ng POPCOM sa susunod na administrasyon, isulong ang pagbibigay ng living wage sa halip na minimum wage.


Matatandaang iniulat ng POPCOM na tumaas ng higit kalahating milyon ang bilang ng mga pamilyang Pilipinong naghirap dahil sa pandemya.

Samantala, ang Lanao del Sur naman na tinaguriang “poorest province” sa Pilipinas ay bumaba ang antas ng kahirapan.

“Ang Lanao del Sur na pinakamahirap na probinsya dati e ngayong number 9. Nabawasan ng 100,000 families ang naghihirap sa Lanao del Sur dahil ang cost of living hindi gano’n katas dahil sa pandemya,” ani Perez sa interview ng DZXL-RMN Manila.

“’Yung BARMM, sila yung least affected ng COVID.

Kaya nung nakaraang dalawang taon, pinakamababa yung bilang ng namatay sa COVID sa BARMM at sila yung pinakamababa ang epekto, economically,” dagdag nito.

Samantala, bukod sa living wage, inirekomenda rin ng POPCOM sa papasok na administrasyong Marcos ang pagpapalakas pa ng family planning, food security at pabahay sa bawat pamilyang Pilipino.

Facebook Comments