Sang-ayon si Senate President Pro Tempore Ralph Recto na dapat nating ipagpasalamat ang tulong ng China sa ating COVID-19 vaccination program.
Pero giit ni Recto, hindi ito dapat maging rason para hindi natin ipaglaban ang ating interes sa West Philippine Sea.
Ayon kay Recto, wala namang gusto na makipagyera sa China pero dapat nating protektahan ang ating Exclusive Economic Zone (EEZ) at mga Pilipinong mangingisda.
Giit naman ni Senator Risa Hontiveos, wala tayong utang na loob sa China at hindi dapat maging kapalit ng mga donasyong bakuna ang ating karapatan sa West Philippine Sea.
Diin ni Hontiveros, kung tutuusin, Tsina ang may utang sa Pilipinas dahil sa halos 800-bilyong piso na halaga ng likas-yaman natin ang sinira nito.
Nilinaw rin ni Hontiveros na walang may gusto ng digmaan at hindi porke’t naninindigan tayo sa laban sa pag-abuso ng China ay magkakaroon na ng giyera.
Ang mga pahayag nina Recto at Hontiveros ay tugon sa sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na kaibigan ng Pilipinas ang China at marami tayong utang na loob, kabilang na ang mga ibinigay na bakuna laban sa COVID-19.