Karapatan ng Pilipinas sa WPS, binigyang-diin ni PBBM sa 21st Defense Summit sa Singapore

Matapang ang mga binitawang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa kaniyang makasaysayang talumpati sa 21st Defense Summit sa Singapore.

Tulad ng inaasahan, sumentro ang talumpati ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa mga karapatan ng Pilipinas sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea (WPS) at ang problemang kinahaharap ng bansa.

Ayon kay PBBM, panahon pa ng mga Kastila at Amerikano ay nailatag na kung hanggang saan ang teritoryo ng Pilipinas.


Pinagtibay pa ito ng mga kasunduan at batas tulad ng Treaty of Paris, Treaty of Washington, 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at 2016 arbitral award kung saan kinatigan ng The Hague ang claims ng Pilipinas sa WPS.

Giit ng pangulo, malinaw na nakabatay ang territorial claim ng Pilipinas sa international law at hindi sa imahinasyon lamang.

Inilatag din ni PBBM ang tungkol sa pitong realidad na nakaaapekto sa Indo-Pacific region, at ang tatlong solusyon na magiging gabay ng mga bansa para sa mga hamon sa hinaharap.

Sa huli, matapang na nanindigan ang pangulo sa harap ng 40 bansa na hindi aatras ang Pilipinas at mga Pilipino pagdating sa isyu sa West Philippine Sea.

Facebook Comments