Manila, Philippines – Nagsumite na sa Korte Suprema ng listahan ng sinasabing mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa Mindanao sa panahon ng martial law, ang mga militanteng nagpetisyon laban sa martial law extension.
Sa isinumiteng memorandum ng grupo ni Eufemia Cullamat, ang listahan ay batay sa report na nakalap ng grupong karapatan.
Nakasaad sa listahan na karamihan sa mga biktima ay hindi residente ng Marawi kundi mga miyembro ng people’s organization.
Tinukoy pa ng petitioners ang kasong inihain ng Commission on Human Rights Region 12 kaugnay ng pagmasaker sa walong myembro ng T’boli-Dulangan Manobo sa Lake Sebu, South Cotabato noong December 2017.
Sa hiwalay namang memorandum ng Office of the Solicitor General (OSG), iginiit ni Solicitor General Jose Calida na wala namang pormal na reklamo na inihain sa AFP Human Rights Office laban sa mga sundalo sa panahon ng pagpapatupad ng martial law sa Mindanao.
Aniya, dapat manaig ang presumption of regularity sa panig ng AFP kontra sa walang batayang akusasyon ng petitioners.
Gayunman, sakali man aniyang may nangyari ngang paglabag sa karapatang pantao, ito ay dapat na hiwalay na lutasin sa hiwalay na proceeding.