Solana, Cagayan – Isa sa dalawang patay na nang-agaw ng dalawang motorsiklo sa Solana, Cagayan ay tinutugis ng kapulisan ng lalawigan ng Kalinga.
Ito ang napag alaman ng RMN News Team mula kay SPO1 Tirso Balisi, imbestigador ng Solana PNP. Ayon sa kanya, dalawang insidente ng pang aagaw ng motor ang iniulat bandang alas otso at alas otso kinse ng gabi sa kanilang himpilan noong Oktubre 11, 2017.
Bumuo agad sila ng grupo na pinangunahan mismo ng kanilang hepe na si PCI Renz Barion Baloran. Hinabol ang mga ito at nasukol sa Gadu, Solana Cagayan malapit na sa hangganan ng Cagayan at Kalinga. Nanlaban umano ang grupo at nagresulta sa pagkamatay ng dalawa at pagkadakip ng isa samantalang nakatakas naman ang dalawa sa mga ito.
Ang dalawang namatay ay nakilalang sina Jonathan Ubido ng Bulanao, Tabuk, Kalinga at Eric Wagsingan ng Pinukpok, Kalinga. Si Wagsingan ay kinilala ng mga kasapi ng PNP Kalinga na isa sa mga most wanted sa kanilang lalawigan dahil sa mga kaso ng pang aagaw ng motor at panghoholdap. Siya din ay mayroong standing warrant of arrest.
Samantala ang nadakip ay nakilalang si Richard Cullang y Palangya, 32 anyos, may asawa at residente ng Pinukpok, Kalinga. Narekober sa mga suspek ang baril na kalibre 22 at Ingram. Nabawi din ang dalawang motor na kanilang kinarnap.
Sa dagdag impormasyon mula SPO1 Balisi, pinuntahan din ng ilang kasapi ng PNP mula sa Roxas at Mallig sa Isabela, Rizal at Tabuk Kalinga at mga bayan ng Piat at Tuao sa Cagayan upang kilalanin ang naaresto at dalawang namatay at kanilang nakumpirma na ang tatlo ay sangkot din sa mga ibat ibang kaso ng pangangarnap ng motor at panghoholdap sa kani- kanilang nasasakupan.
Sa paglalahad ng PNP Solana, noong gabi ng Oktubre 11, 2017 ay inagaw ng limang katao ang motor ng dalawang kabataan sa dalawang magkahiwalay na insidente sa Solana ngunit agad itong inireport sa pulis na siyang naman agad nirespondehan.
Sumailalim sa inquest proceedings at nakakulong ngayon ang naarestong indibidwal mula sa kasong 2 counts of carnapping with grave threat.
Tuloy naman ang ugnayan ng kapulisyahan para matukoy ang kinaroroonan ng dalawang nakatakas.