Karpentero-Patay, 2 Sugatan sa Aksidente sa Quezon, Isabela

200

*Quezon, Isabela- *Patay ang isang karpentero habang sugatan ang dalawa pa nitong backriders nang salpukin ng sasakyan ang kanilang lulan na motorsiklo pasado alas sais kagabi sa pambansang lansangan ng Brgy. Barucboc, Quezon, Isabela.

Kinilala ang biktima at driver ng Honda XR 150 na si Rodrigo Macnas, 28 anyos, binata, residente ng Brgy. Bayao, Pinukpuk, Kalinga habang ang suspek at driver ng Hyundai Starex na may plakang AAO 7685 ay nakilalang si Maxie Pacada, 36 anyos, walang asawa, isang nurse at residente naman ng Brgy. Callao, Alicia, Isabela.


Batay sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula sa Isabela Police Provincial Office (IPPO), binabagtas ng sasakyan ang lansangan patungong bayan ng Mallig, Isabela nang biglang dumating mula sa West direction ang motorsiklo at binaybay ang linya ng sasakyan na dahilan ng kanilang matinding banggaan.

Tumilapon at nagtamo ng matinding pinsala sa ulo ang driver ng motorsiklo habang sugatan naman ang dalawang backrider nito na kinilalang sila Edward Dimas, 39 anyos, at Judy Daquiaog, parehong karpentero at residente ng Brgy. Bayao, Pinukpuk, Kalinga.

Nang isugod sa pagamutan ang mga biktima para sa kanilang karampatang lunas ay idineklara din na dead on arrival si Macnas.

Maswerte namang hindi nasugatan ang suspek maging ang mga sakay nito sa naganap na insidente.

Dinala na sa himpilan ng PNP Quezon ang suspek maging ang mga nasangkot na behikulo para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.


Facebook Comments