Cauayan City, Isabela- Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa dalawang tauhan ng Provincial Security Group (PSG) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela dahil umano sa pagnanakaw ng karton na naglalaman ng faceshield at mga delatang corned beef.
Isang 25-anyos na residente ng City of Ilagan at 26-anyos na residente naman ng Bayan ng Naguilian ang nasa likod ng pagpuslit sa nasabing kagamitan.
Ayon sa tanggapan ng Provincial Legal Office, lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na nagipit umano sa kanilang katayuan sa buhay ang dalawang tauhan ng PSG kaya nagawa ang nasabing pagnanakaw.
Batay sa salaysay ng mga suspek, ibebenta sana nila ang nasa 450 piraso ng faceshield habang ipapamahagi naman ang mga delatang corned beef sa kanilang mga kaaanak.
Ayon pa sa Legal Office, tinanggal na sa kanilang tungkulin ang mga nasabing mga tauhan habang umuusad ang imbestigasyon laban sa kanila.
Dismayado naman si Governor Rodito Albano III sa naging aksyon ng nasabing mga suspek at kinakailangan lamang na masampahan sila ng kasong kriminal.
Matatandaang idinaan sa bukas na bintana ang ninakaw na gamit nitong linggo ng gabi, Agosto 9.
Sinampahan na ng kasong Qualified Theft ang mga suspek bilang parusa sa kanilang nagawang pagnanakaw.