Bilang kinatawan ni Pangulong Rodrigo Duterte, pinangunahan ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang aktibidad sa paggunita ng Araw ng Kalayaan ngayong araw sa Rizal Park sa Maynila.
Ang ika-122 taon na paggunita ng Araw ng Kalayaan ay mayroong tema na “Kalayaan 2020: Towards a free, United and Safe Nation”.
Maliban kay Medialdea, nakiisa rin sa aktibidad si National Historical Commission of the Philippines Chairman Dr. Rene Escalante at Manila Mayor Isko Moreno.
Sa aktibidad, wala nang isinagawang flag raising ceremony at sa halip ay nag-alay na lamang ng bulaklak sa bantayog ni Gat Jose Rizal.
Binigyan din ng pagkilala ang mga frontliner sa bansa na nakikipaglaban sa COVID-19.
Sa virtual Independence Day message mula kay Pangulong Duterte, kasabay pagkilala sa kabayanihan ng ating mga ninuno, hinikaya’t nito ang taongbayan na magkaisa sa pakikipaglaban sa COVID-19 pandemic.
Mahigpit naman ang ipinatupad na health protocols sa mga naki-isa sa seremonya.