Naudlot ang kasal ng isang 20-anyos na babae makaraang makansela ang flight niya pabalik ng Maynila, dulot ng bagyong ‘Tisoy’.
Ayon sa dalagang tumangging magpakilala, nakatakda sana nitong Martes ng hapon ang pag-iisang dibdib ng nobyong dayuhan sa isang korte sa Pasay City.
Pero na-stranded siya sa Francisco Bangoy International Airport sa Davao City matapos ipatupad ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang 12-oras na tigil-operasyon sa lahat ng paliparan sa bansa.
Kuwento pa niya, hinihintay na siya ng banyagang mapapangasawa sa Maynila at inintindi na lamang ang kasalukuyang sitwasyon.
Puwede naman raw ilipat ang araw ng kanilang pagpapakasal, sabi pa umano ng Hapones niyang boyfriend.
Mahigit 5,000 pasahero ang stranded sa nasabing paliparan habang nananatiling kanselado ang 22 Davao-Manila flights.