Para kay Quezon City 3rd District Rep. Reynan Arrogancia, seryosong banta sa seguridad ang nangyaring aberya sa air traffic control ng Ninoy Aquino International Airport o NAIA nitong January 01, 2023.
Bunsod nito ay iminungkahi ni Arrogancia ang pagbili ng bagong air traffic control technology para sa NAIA at ang pagkakaroon ng back up nito.
Ayon kay Arrogancia, sa pamamagitan ng Dept of Budget and Management (DBM) ay dapat tulungan ng Malacañang ang Department of Transportation (DOTr) na makahanap ng pondo para ma-upgrade agad ang pasilidad sa paliparan simula ngayong taon.
Dagdag pa ni Arrogancia, bukod sa air traffic control system ay dapat ding matiyak na nasa mahusay na kondisyon at kapabilidad ang iba pang mahalagang technology systems sa bansa.
Pangunahin dito ang ating weather radars, flood early warning systems, at satellite tracking systems para sa mga pasahero at fishing vessels.