
Iginiit ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Representative Antonio Tinio na hindi dapat gamiting rason ni Vice President Sara Duterte ang kasalukuyang krisis para hindi niya harapin ang mga reklamong impeachment laban sa kanya.
Katwiran ni Tinio, walang kinalaman ang pandaigdigang krisis sa pagpapanagot kay VP Duterte at sa iba pang mga opisyal ng gobyerno na inaakusahan ng katiwalian.
Giit ni Tinio, hindi puwedeng dahil may krisis sa langis ay kakalimutan na ang maanomalyang flood control scandal, at hindi na hahabulin o sisingilin ang mga opisyal ng pamahalaan na dapat managot tulad ng bise presidente.
Tugon ito ni Tinio sa pahayag ni VP Duterte na kaya siya hindi humarap sa impeachment hearing na sinimulan kahapon ng House Committee on Justice ay dahil mas pinili niyang ilaan ang kanyang oras sa pagtulong sa mga Pilipino ngayong may krisis.










