Manila, Philippines – Tumangay ng higit-kumulang 100,000 pesos ang isang kasambahay na wala pang pitong oras sa bagong trabaho.
Kwento ng biktimang si ‘Bernadette’ – nagsimulang mamasukan nitong Linggo (October 8) ang suspek na si Margie Teodoro sa kanyang condo unit sa Eastwood City.
Nakuha niya ang kasambahay sa isang agency at nagbayad ng 16,000 pesos na agency fee.
Pero kinaumagahan, naglaho na lang bigla sa condo si Teodoro.
Sa kuha ng CCTV, nakita ang suspek paalis at bitbit ang kaniyang backpack at isang shoulder bag, tangay ang 100,000 pesos na halaga ng tatlong mamahaling cellphone, relo, bag at cash.
Sunod na nakuhan ng CCTV sa isang fastfood chain ang suspek at umorder ng pagkain.
Dito, isa-isang inilabas ng suspek mula sa bag ang mga card, ID, at mahahalagang dokumentong kaniyang ninakaw at iniwan niya ito.
Na-contact ng mga tauhan ng kainan si Samantha at naisauli ang mga gamit.
Naiwan naman ng kasambahay ang kaniyang shoulder bag at cellphone, kaya natawagan ni Samantha ang anak ng suspek.
Dismayado rin ang biktima nang sabihin ng agency na hindi pa kumpleto ang requirements ni Teodoro dahil sa Oktubre 12 pa raw nakatakdang i-release ang National Bureau of Investigation (NBI) clearance ng suspek.
Inihahanda na rin ni Samantha ang pagsasampa ng reklamo sa katulong na may mga nabiktima rin umano sa Antipolo at Cavite.