Kasambahay ng pinaslang na Vice President ng Pamantasan ng Lungsod ng Marikina, inaresto ng Marikina PNP

Manila, Philippines – Nahaharap sa kasong pagpatay ang katiwala ng pinaslang na Vice President ng Pamantasan ng Lungsod ng Marikina.

 

Ayon kay Senior Supt. Lorenzo Holanday, hepe ng Marikina PNP, unang nahuli ang 29-anyos na si Glen Palasan nang makita ng mga pulis na may itinapon siyang plastic na naglalaman ng shabu sa Concepcion Uno, Marikina nitong Miyerkules ng hapon.

 

Kasunod nito, itinuring na rin aniya siyang suspek sa pagpatay sa kaniyang amo na si Prof. Alfredo Dimaano, na pinaslang sa loob ng kanilang bahay sa Marikina noong Marso 14.

 

Bukod kasi aniya sa nakitang tilamsik ng dugo sa kaniyang damit nang makita ang bangkay ng biktima, lumitaw rin sa imbestigasyon na may mga hindi magkakatugmang pahayag si Palasan sa kaniyang mga naging testimonya noon.

 

Sinabi pa ni Holanday na kasabwat rin ni Palasan ang una nilang naging suspek sa pagpatay kay Dimaano.

 

Mariin namang itinanggi ni Palasan ang mga alegasyon laban sa kaniya.

 

Napag-alaman din ng mga otoridad na isa sa mga "drug personality" sa kaniyang bayan sa Surigao si Palasan.


Facebook Comments