Dahil sa pinagsamang 83 taon nilang karanasan sa serbisyo publiko at kaalaman sa politika hindi maitatanggi na matatag ang tambalang Lacson-Sotto sa karera ng mga kandidato para maging presidente at bise presidente sa 2022 halalan, ayon sa isang independent survey.
Base sa pinakahuling survey, lumabas na si Partido Reporma standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson at Senate President Vicente “Tito” Sotto III ng Nationalist People’s Coalition (NPC) ang pangalawa sa pinakapinipiling tambalan ng mga kandidato para sa mga Pilipino.
Nasa 1,200 katao ang pinulsuhan ng The Issues and Advocacy Center (The CENTER) sa kanilang pre-election survey nitong Nobyembre 16 hanggang 20, 2021, kasunod ng deadline para sa paghahain ng substitution ng mga kandidato sa May 9 election.
Sa tanong na, “Kung kayo ay boboto sa mga kilala ninyong mga tambalan sa halalan, at kung ang halalan ay ngayon na gaganapin, sino sa mga tambalang ito ang inyong iboboto?” Nasa 21% ng mga kalahok ang pumili kina Lacson at Sotto, ayon sa The CENTER.
Naungusan ng Lacson-Sotto sina Vice President Maria Leonor “Leni” Robredo at Senador Francis “Kiko” Pangilinan na nakakuha ng 15%; Senador Emmanuel “Manny” Pacquiao at Buhay party-list Rep. Joselito “Lito” Atienza (13%).
Sinundan sila ng mga tambalan nina Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at Dr. Willie Ong (11%); at mga aktibistang sina Leodegario “Leody” De Guzman at Walden Bello (2%).
Una sa listahan ang inasahan nang magiging tambalan ng kapwa naging anak ng mga pangulong sina Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. at Sara Duterte-Carpio na nakakuha ng 35%. Nasa tatlong porsyento naman ang nananatiling hindi pa rin sigurado sa iboboto.
Tangan pareho ng tambalang Lacson-Sotto ang pinakamahabang karanasan sa serbisyo publiko bilang mga batikang mambabatas na nanilbihan din sa ehekutibong sangay ng pamahalaan.
Si Lacson ay naging hepe ng Philippine National Police at rehabilitation czar habang si Sotto naman ay naging bise alkalde ng Lungsod ng Quezon at tagapangulo ng Dangerous Drugs Board. Sila ay may pinagsamang higit apat na dekadang panunugkulan sa Senado.