Motor rider patay matapos na aksidenteng mabangga ng delivery van

9

Balete, Aklan – Dead on arrival sa hospital ang isang motor rider matapos na aksidenteng mabangga ng delivery van kahapon ng hapon sa national highway ng Sitio Cabcaban, Brgy. Fulgencio, Balete, Aklan. Nakilala ang biktima na si John Peter De Juan, 21-anyos at residente ng Sitio Hagimit ng nasabing lugar. Ayon kay Police Corporal Byan Libuna ng Balete PNP lumalabas sa kanilang imbestigasyon na galing sa interior ng Crossing Mondia ang biktima sakay ng kanyang motorsiklo palabas ng national highway pero hindi ito huminto at sa halip ay nag dire-diretso ito dahilan para mabangga ng paparating na delivery van na minamaneho ni Jonard David, 27-anyos at residente ng Brgy.Catabana, Madalag. Dahil sa lakas ng pagkabangga ay tumilapon ang biktima sa paparating na Toyota Wigo at pumailalim ito. Naabot rin ng delivery ang nasabing kotse dahilan para magkaroon ito ng damage. Ayon pa kay Police Corporal Libuna, na halos sampung metro ang inabot ng biktima ng ito’y tumilapon dahilan para magtamo ng malubhang pinsala sa katawan. Papuntang Kalibo ang delivery van ng mangyari ang aksidente. Maliban sa kanya ay sugatan din ang driver ng delivery van at ang dalawa nitong kasama na sina Reymark Oloroso, at Charles Tanyala dahil tumalsik na bubog. Na trauma rin ang babaeng driver ng Toyota Wigo na taga Sitio Nasunugan sa nasabing lugar. Dinala ang bitkima sa hospital ng mga nag respondeng miyembro ng MDRRMO Balete pero idineklara itong dead on arrival ng doktor. Samantala, ayon naman sa pahayag ng driver ng delivery van na si David ay galing sila sa Roxas City nag deliver ng manok at papauwi na sana ng mangyari ang aksidente at nasa 65kph ang takbo ng kanyang sasakyan. Sinikap niya rin daw na maiwasan ang biktima pero hindi na nagawa dahil sa dire-diretso ito sa national highway kaya nabangga niya. Humingi rin siya ng pasensya sa pamilya ng biktima dahil sa nangyari at hindi niya rin yon gusto at aksidente lamang ang nangyari. Sa ngayon ay mag-uusap ang magkabilang panig kung ano ang magiging desisyon ng pamilya ng biktima.

Facebook Comments