Manila, Philippines – Kinasuhan ng Bureau of Customs (BOC) sa Department of Justice (DOJ) ang dalawang importers at customs brokers dahil sa gross undervaluation ng imports at large-scale agricultural smuggling.
Kabilang sa mga kinasuhan ang mga may-ari at customs brokers ng Granstar Premiere Sports Corporation at ang Seven Myth Marketing.
Ang kaso laban sa Granstar at sa may-ari nitong si Fabian Go ay may kaugnayan sa shipment ng 112 units ng brand new Vespa scooters mula Singapore.
Kinasuhan din ang Customs broker na nagproseso ng illegal shipment na si Norinel Quezana.
Nabatid na 50,400 US dollars lang ideneklarang halaga ng shipment ng Granstar na mas mababa kumpara sa tunay na value nito.
Ang smuggling charge naman laban sa Seven Myth Marketing at sa may-ari nitong si Leoncio Victor Mangubat gayundin sa Customs broker na si Mary Faith Miro ay may kinalaman sa shipment na mga bigas.
Ang sampung milyong pisong shipment ng nasabing kumpanya ay ideneklarang ceramic tiles subalit natuklasan ng Bureau of Customs na ito ay mga saku-sako palang Sinandomeng Aguila at Sinandomeng Mayon rice.