Kaso laban sa mga nasa likod ng missing sabungeros, tuloy kahit ilang pamilya ng mga biktima ang umatras noon – DOJ

Tiniyak ng Department of Justice (DOJ) na tuloy ang kaso laban sa mga nasa likod ng pagkawala ng mga sabungero ilang taon na ang lumipas.

Ito ay kahit ilang pamilya na ang umatras at nanahimik na lamang sa kaso.

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, interes ng bansa at taumbayan ang nakasalalay dito at hindi na lamang sa ilang pamilya ng mga biktima.

Hindi aniya magkakaroon ng kapayapaan at kaayusan sa lipunan kung may sistema na may iilang tao na nagdedesisyon kung sino ang mabubuhay at mamamatay.

Sa kabila ng mga umatras, sinabi ng kalihim na mayroon ding mga nagpapahayag ng interes na makipagtulungan sa pag-usad ng kaso.

Ayon naman kay Prosecutor General Anthony Fadullon, hindi pipigilan ang mga pamilyang nauna nang umatras kung gusto ulit nilang maging bahagi ulit ng kaso.

Tuloy din aniya ang imbestigasyon batay sa kanilang mga nakakalap na ebidensiya.

Facebook Comments